Featured Post

Christ Transform Life (Buhay na nabago dahil kay Kristo)

Kung hindi mo pa nakikilala si Kristo. Ay mayroong malaking bagay na nawawala o kulang sa buhay mo. Ito na ang panahon, ang tamang panahon p...

Pagbabalik ng ating unang Pag ibig sa Diyos

Pagbabalik ng ating unang Pag ibig sa Diyos
Dumarating sa buhay ng Kristyano ang mga kahinaan at kapaguran kaabalahan at kawalan ng oras sa Diyos.

PAGBABALIK NG ATING UNANG PAG IBIG KAY KRISTO


Lahat tayo ay mayroong unang pagibig. At madalas, sinasabi natin sa ating sarili, na ang unang pag ibig ang pinaka matamis, pinaka hindi makalimutan at ito yung isang bagay na nakapagpabago ng ating buhay.

Bilang isang Kristiyano, tayo man ay dumanas rin ng unang pag ibig sa Panginoon. Ngunit, habang  ang panahon, tayo ay nagiging abala sa buhay, tayo ay nawawalan ng gana, ng panahon sa Kanya at tila ang layo layo Niya sa atin.

Dahil diyan, marami sa atin ang marami ng puna o reklamo pagdating sa ibang tao o kapwa Kristiyano. Mga puna na katulad ng, bakit ganito si Pastor, si kapatid? Bakit parang hindi sila totoong Kristiyano, bakit ganoon nalang ang kanilang ugali?

May mga panahon din na parang ang tamlay ng buhay, puno ng alalahanin sa buhay. Walang pera, maraming gastusin, at sangkatutak na isipin. Sa di mawaring dahilan, iniisip mo kung bakit walang nagbabago sa iyong buhay? Matagal mo ng kilala si Kristo, ngunit tila walang pagbabago, wala ka ng ganang umawit sa Kanya, wala ka ng ganang magbasa ng Biblia at makipag usap tungkol sa mga bagay na espiritwal? Nawawala nga ba ang unang pag ibig sa Diyos?

Kung ikaw ay nanghihina, nawawalan ng direksyon sa iyong buhay Kristiyano at sa tingin mo huli na ang lahat sa iyo, ay huwag mawalan ng pag asa! May paraan upang manumbalik tayo sa ating unang Pag ibig kay Cristo!


Pahayag 2: 1-5

 “Isulat mo sa anghel ng iglesya sa Efeso:“Ito ang ipinapasabi ng may hawak ng pitong bituin sa kanyang kanang kamay at lumalakad sa gitna ng pitong ilawang ginto. Nalalaman ko ang mga ginagawa mo, ang iyong mga pagpapakahirap at pagtitiyaga. Alam kong hindi mo kinukunsinti ang masasama. Sinubok mo ang mga huwad na apostol, at napatunayan mong sila'y nagsisinungaling. Alam ko ring matiyaga ka, nagtiis ng maraming hirap alang-alang sa akin at hindi ka sumuko. Subalit may isang bagay na ayaw ko sa iyo: ang pag-ibig mo noong una kang sumampalataya ay nanlalamig na. Alalahanin mo ang dati mong kalagayan; pagsisihan mo at talikuran ang iyong masasamang gawa, at gawin mong muli ang mga ginagawa mo noong una. Kapag hindi ka nagsisi, pupunta ako diyan at aalisin ko sa kinalalagyan ang iyong ilawan. 

 

1. PAGKAWALA NG ATING UNANG 
PAG IBIG (v. 1-4)

PARA KANINO AT MULA KANINO IBINIGAY ANG MENSAHE?
 
Ang mensahe ay mula kay Jesus, para sa simbahan ng Efeso. Sila ay mayroong mabuting klase ng pag uugali bilang Kristyano, sila ay matyaga, nagpapakahirap, hindi kinukunsinti ang mali ng masasama, mga hindi sinungaling, at hindi sumuko. 

Ngunit, sa kabila ng kanilang ginagawa ay hindi lingid sa Diyos ang totoong nilalaman ng kanilang puso. Na sa kabila ng kanilang pagpapagal ay nanlalamig pala sila.

At tayo ngayon, maaaring hindi rin sumusuko sa ating pananampalataya sa Diyos,sa ating ministeryo sa ating iglesya, sa mga gawain. Ngunit bakit sinabi ni Jesus na sila ay nanlalamig? Maari kayang sa kabila ng ating kaabalahan ay nakakalimutan na natin kung paanong tunay na ibigin ang Diyos?

Tayo ba ay nanlalamig din sa panahon ngayon na tayo ay dumaranas ng matinding pagsubok sa buhay?



2. ANO BA ANG KATANGIAN NG UNANG PAG IBIG?

   Sa panahon na tayo ay unang umibig, naranasan natin na sa unang pagkakataon ay nagkaron tayo ng matinding kasiyahan. Mayroong alab sa ating puso, na para bang hindi natin kaya na mawala ang mahal natin. Hindi natin kayang hindi makausap, nagbibigay tayo ng atensyon, malasakit at matinding pagmamahal. Meron pa kung minsan ng sumpaan sa isat isa. 

Nung unang makilala natin si Kristo at malaman natin ang Kanyang pagmamahal sa atin, hindi tayo  nagdalawang isip na tanggapin Siya. Nung unang ibigin natin Siya ay nangako tayo, na Siya lang ang ating pinakang iibigin higit sa lahat ng bagay sa ating buhay, at nangako tayo na Siya narin ang mangunguna sa ating buhay. Punong puno tayo ng kasiglahan at naguumapaw na kaligayahan. 

Naroon din iyong panahon na hindi tayo nag aatubili na sabihin sa iba ang tungkol sa Kanya. Araw araw tayong nagbabasa ng Kanyang salita, araw araw tayong nananalangin at humihingi ng tulong sa Banal na Espiritu, napakahalaga ng relasyon natin kay Kristo.

Bagamat sinasabi natin na mahalaga ang damdamin natin, sinasabi ng salita ng Diyos na mas mahalaga ang Pangako. Oo, minahal natin Siya at ito ay naranasan natin, ngunit mas mainam pala na alalahanin natin ang ating binitiwan na Pangako. 

Ang pangako na Siya at wala ng iba pa ang pinakamahalaga sa ating buhay. Ang patuloy Siyang mahalin ng buong puso, buong lakas, pag iisip at ng kaluluwa. Na tayo ay patuloy na susunod anuman ang maranasan nating kapaguran sa buhay, at sa panahon ng pagtitiis ay hindi natin kalimutan ang pangako sa Kanya. 

3. ANO ANG MGA PALATANDAAN SA ATING BUHAY, NA TAYO AY NASA PANGANIB NA MAWALA ANG UNANG PAG IBIG NATIN, O MAAARING WALA NA NGA?

KAPAG WALA KA NG PAG NANASA NA BASAHIN ANG SALITA NG DIYOS(BIBLIA).

Kapag tayo ay pagod galing sa trabaho, mayrong kagalit, at mayrong matinding pagsubok. Tayo ba ay mayroon paring pananabik na magbasa ng Biblia o wala na?  Mas ninanais ba nating dumulog sa Kanya sa panalangin at magbasa ng Biblia o mas inuuna pa nating sabihin sa iba ang ating mga problema? Kapag tayo ay nagkamit ng tagumpay, sa panahon na tayo ay malakas at  maraming kaaliwan at kaabalahan sa buhay, may pagnanasa at pananabik pa ba tayong magbasa ng Biblia o mas gusto nating manood ng pelikula sa netflix o youtube? Habang tumatagal ang relasyon, kung minsan ay nagiging kampante na tayo na hindi kausapin ang mahal natin, asawa o karelasyon. Ngunit ayaw ng Diyos na gawin natin ito sa Kanya. Dahil tayo ay nangako na Siya lang ang ating prayoridad sa buhay simula ng tanggapin natin Siya sa ating buhay bilang Panginoon at Tagapagligtas.

PUMUPUNTA SA SIMBAHAN DAHIL ITO AY TUNGKULIN  AT DAPAT GAWIN

Maaring miyembro ka ng music team, o tagapagturo sa Bible Study at mayroon kang parte sa gawain. Maaaring ikaw ay madalas din nasasabihan ng iyong Pastor na pumunta sa gawain dahil ito ay obligasyon natin. 

Tila ba wala ng kasiyahan magpunta sa simbahan. Hindi kana na eexcite na makita ang kapwa Kristiyano, tila ba wala narin saysay ang mga Praise and Worship. Nakikita mo nalang ang mali ng bawat miyembro at hindi mo narin gusto ang mensahe ni pastor at ang ugali ng mga kabataan. At sinasabi mo rin na dry kana spiritually? Pamilyar ba ito sa atin? Kung sa tingin mo ay iyan ang nararanasan mo ngayon, alam mo ng nanlalamig ka nga at hindi ka mainit sa Panginoon.  

WALA NG HALAGA SAYO KUNG ANG IYONG BUHAY AY HINDI NAKALULUWALHATI SA DIYOS

 Sa paanong paraan? Hindi ka na natutuwa sa nakakamit na pag unlad ng iyong kapatiran. Hindi ka narin natatakot na magkamali, na para bang ayos lang sa iyo na mamuhay katulad ng dati o mas malala pa? Para bang okay lang sayo na uminom ulit ng alak, makipag sabayan sa mga kaibigan mong malalaswa ang pinag uusapan. At tila hindi ka narin nalulungkot kapag ikaw ay nakakasait ng damdamin ng iba. Tila ba ang buhay mo ay hindi na umiikot sa Panginoon kundi sa iyong sarili na lamang. 

Hindi mo narin hinahangad na bigyan kaluguran ang Diyos, kundi ang iyong sarili na lamang. Maaring busy ka sa  ministry, ngunit wala ng pag ibig sa Diyos. Ang ginagawa mo ay para sa sariling kasiyahan na lamang, upang ikaw ay makilala ng iba at maging tanyag kahit alam mong hindi ito makaluluwalhati sa Diyos. Naninira ka ng kapwa Kristiyano, mahiilig kang makipag away at argumento at hindi ka narin nagtatanong sa Panginoon kung paano mo Siya mas dapat paglingkuran. 

MAS MAHALAGA NA ANG SARILING HANGARIN KESA SA KALOOBAN NIYA

Kung minsan, mayron tayong mga pangarap at plano sa buhay. May gusto tayong marating bago natin Siya nakilala. At dumarating sa ating buhay ang marming oportunidad, ngunit huwag nating kalimutan na Siya na ang Panginoon ng ating buhay. Hindi na dapat sariling hangarin ang manaig, kundi ang Kanyang kalooban lamang. May pagkakataon na hindi na tayo kumukunsulta sa Panginoon at tayo ay nagdedesisyon ng naaayon sa ating sariling kaalama at kapasidad.


Nagkaroon ba ng panahon na talagang inibig mo ang Diyos? Iniibig mo parin ba Siya katulad nung una?

Ang mga taga Efeso ay matatiyaga at masipag, ilan sa mga katangian na yan ay parang tunay na pag ibig. Ngunit bakit sinabi ng Diyos na sila ay nanlalamig? 

Maaring pinapakita nila sa panlabas na gawain, ngunit walang kasamang pagmamahal. 
Tandaan natin na: ANG GAWAIN AY HINDI KATUMBAS NG KABANALAN. MAAARING SABIHIN NATIN NA ANG PAGLILINGKOD AY SAPAT NA, NGUNIT ALAM NG PANGINOON ANG TUNAY NA NASA PUSO NG KANYANG MGA ANAK.

MGA DAHILAN KUNG BAKIT NAWAWALA SA ATIN ANG UNANG PAGIBIG SA DIYOS

IPINAGPAPALIT ANG DIYOS SA IBANG BAGAY O TAO, 
Sa ibang tao na umiikot ang buhay mo, mas mahal mo na sila kesa sa Diyos.
TAYO AY NAGKASALA. Maaring nagkamali ka, nakagawa ka ng isang bagay na madumi sa paningin ng iba.
TAYO AY NILAMON NG KATAMARAN. Wala ka ng intensyon na kumilos at pasayahin ang Diyos, punong puno ka ng alalahanin sa buhay.
NAALIPIN TAYO NG SARILING AMBISYON. Masyado ka ng maraming pangarapa at hindi na si Jesus ang sentro ng buhay mo.
NAGING SOBRANG ABALA TAYO SA BUHAY.
Masyado ka ng busy saiyong buhay sa trabaho, sa paaralan, sa barkada, sa facebook, sa pera o negosyo.

PAANO MANUNUMBALIK ANG ATING UNANG PAG IBIG?(v.5)

1.AMININ MO SA IYONG SARILI NA NAWALA NA ANG UNANG PAG IBIG MO SA  DIYOS. Mahalaga na maging totoo ka sa iyong sarili. Dahil kung hindi, ay hindi rin tayo makakapanumbalik.

2. ISIPIN AT ALALAHANIN MO KUNG GAANO KALAYO KA NAHULOG
Alalahanin natin kung saan tayo nagkamali at anong nagawa nating kasalanan sa Diyos, sa iba at mga maling pag uugali.

3. MAGSISI AT TUMALIKOD SA MGA KASALANAN
Mahal ka ng Diyos mula pa noon hanggang ngayon. Huwag mong kalimutan ang Kanyang pangako, hindi pa huli ang lahat para sayo. Manumbalik at magsisi ka, kalimutan ang nakaraan at tanggaping muli na totoong mahal ka Niya.

4. GAWIN ANG GINAWA NATIN NUNG UNA NATIN SIYANG INIBIG. 
Paano ba natin Siya inibig nung una? Marapat lang na ibigin natin Siya ngayon ng mas higit pa.

BAKIT DAPAT NA MANUMBALIK ANG UNANG PAG IBIG NATIN SA DIYOS? PAANO KUNG HINDI NATIN ITO MAGAWA?

Nagbigay ang Panginoon sa atin ng babala. (v-5) Ano ang ibig sabihin nito? Tayo ay hindi makapag luluwalhati sa Panginoon, hindi rin tayo makakapag patotoo sa iba tungkol kay Kristo. Mawawala ang pagkakataon na tayo ay totoong makapaglilingkod sa Kanya. Hindi rin tayo magiging mabisa kahit pilitin at maging abala tayo sa paglilingkod.

Sa buhay Kristiyano, gaya ng iglesya sa Efeso, maaaring may mangyari na hindi mabuti kung hindi ka mag iingat. Ang taimtim na paglilingkod ay maaaring nandoon, ang maigting na pag titiis din ay maaaring nandoon, ang paniniwala ay nandooon din subalit, ang toong pagmamahal sa Diyos ay wala na. Palaging naisin natin sa ating sarili, na panatilihin ang ating unang pag ibig kay Kristo na ating Diyos. 




Blog by: Grace Rodriguez
05/01/2020
11:15pm

  

   





2 comments:

  1. Salamat sa paalala, ako'y nakapagmuni., oo nga, tama ka. Nangyari ito sa mga taga Efeso at nasulat sa Biblia para magpaalala sa mga Cristiano. Nararapat na ang bawat isa ay magbalik tanaw sa ating unang pag-ibig sa Diyos at ito'y manariwa sa araw-araw upang maging balanse ang ating pamumuhay Cristiano. Kagaya ng isang mabuting magulang, ang ating Ama sa langit ay andyan upang tayo'y ituwid sa pamamagitan ng kanyang mga Salita. Purihin ang Diyos!

    ReplyDelete
    Replies
    1. Maraming salamat at Pagpalain ka ng Diyos! :) Ang Kanyang pag ibig at mga salita ay hindi nagbabago. Tayo man ay marapat lng na hindi magbago ng pagpaparamdam, at pag papakita ng pag ibig sa ating Diyos.

      Delete